Pagpalain po tayo ng Panginoon. Hindi po biro ang lumayo sa ating mga pamilya. Hindi rin po madali na labanan ang lungkot. Ang paghahabi o pagsusulat po ng tula't kuwento ay nakita ko po na effective way to fight homesickness/homesexness. Sa paraang ito ay nagagawa kong paglaruan ang iba’t-ibang imosyon gamit ang mga salitang tumutumbok sa tunay kong damdamin at diwa. Kahit nasa gitna po ako ng problema, idinadaan ko po iyon sa paghabi ng tula sa ngalan ng pag-ibig.
Ang laman po nitong tsapbuk ay tumatalakay ng iba’t-ibang subject in the name of Love. Ang iba po ay kailangan ko pa e-edit. At kung sakaling magkaroon po ako ng kakayahan na gawing aklat ito ay gagawin ko. Thanks po kay Admin at Patnubay.com for this special page. Ang lahat po ay open for comments. At ipapamana natin ito sa next generation. Enjoy reading guys…
Ang Manlilikha
Ni Paul Pruel
Riyadh,KSA
Malawak at malalim ang pang-unawa
Ang pangit ay kaniyang napapaganda
Nakapagsasalita kahit wala s’yang
Sinasambit na mga taludtod o kataga...
Dilim ang kan’yang nakikita 'pag araw
Subali’t nasisilaw siya 'pag gabi
Mga mata’y nakakakita ng mga bagay
Na siya lang ang makapaglalarawan...
Taglay n’ya ang ekstrang pares ng tainga
Nakaririnig ng kakaibang himig
May ekstra s’yang ilong na nakalalanghap
Ng ibang baho, bango’t lansa ng buhay...
Matamis mangusap ang kaniyang puso
Saya’y hatid sa damdaming may siphayo
Simbolo’y gamit n’ya, imahi’t kataga
Napasasaya ang matamlay na diwa…
Gamit ang papel at ang kan’yang panulat
Hahagkan n’ya ang buwan at mga bituin
Na kumikinang sa kalawakan
At nagsasaboy ng liwanag sa kadiliman...
Nguni’t mga nalikha’y walang kahulugan
Kung lahat ay tiniklop at ibinaon
Ang ipinunlang kaisipan sa tao’y
Mabubura, pati ligaya ng kahapon...
S’yang Makatang pinagpala ni Bathala
Nagtatago sa likod ng kan’yang pluma
Ang bisyo’y paglaruan ang mga salita
Upang damdami'y ipaabot sa kapuwa!
(nalimbag sa Pinoy Xtra Febrero 24, 2008)
No comments:
Post a Comment