Minsan ako'y naglakandiwa
Sa paksang
Dapat bang maglimos
O hindi sa pulubing Kaawaawa?
Bagama’t ako’y nasorpresa, hindi ko inakala
Isa ako sa naatasan sa tatlong lakandiwa
Sa isang natatanging at kakaibang sagupaan
Ng pagpapahayag at nakamamanghang pangat’wiran
Maluwag kong tinanggap at sa kanila'y namagitan…
Sa unang salpukan ako ay muntik nang mapalundag
Mapa-ihi at mapa-utot dahil sa sobrang galak
Habang aking hinihimayhimay ang bawat taludtod
O mga katagang sa madla’y kanilang isinisiwalat
Tulad sila ng hangin kung rumagasa ay malakas…
Nang si Ate Rose ay magbukas ng kan’yang saloobin
Ipinamalas sa lahat ang mapagmahal n’yang damdamin
Sa ‘sang taong dukha na nangangailangan ng tulong
Bukas ang palad at naglimos ng baryang ibinulong
Nguni’t sa huli ay nagbago ang pananaw at lambing…
Si Kuya Sam ay hindi rin nagpahuli sa pagtanggol
Ang magbigay ng limos sa taong pulubi’y iukol
Magandang ugali na dapat tularan ng sinuman
Dahil kapalit nito ay pagpapala ng Maylalang
Na pinangarap ng bawat tao’t inaasam-asam…
Hindi rin mapigil si Tata sa pangangatuwiran
Para sa kan’ya ang maglimos ay hindi makatuwiran
Lalo lamang tatamarin ang mga taong gaya nila
Kung sa palimos-limos ang buhay nila’y iaasa
Sa mga taong bukas ang palad at nakauunawa…
Bagama’t sila'y may mga puntos nang naitala
‘Yon ay ‘di parin sapat na bigyan sila ng korona
Dapat sila'y Gumaod pa, ang bagsik ng diwa’y ibandila
Isigaw at iwagayway sa madla na mapanghusga
Ang tunay nilang lakas, tibay at tamis ng dila!
Katotohanan lamang ang ipapahayag ko ngayon
Makikinig sa mga magkatunggali ang s’ya kong layon
Matitinik na makata na hininog ng panahon
Puwedeng ipagmalake natin saan mang okasyon!
Nang aking suriin ang mga pangungusap na sinabi
Ng mga magkalabang tropang magagaling mangiliti
Sa isip ko’y naglaro - maraming mukha ang pulubi
Nagpa-init sa talakayang pasidhi nang pasidhi…
Si Tata, sa kaniyang posisyon ay nananatili
Dulot ay kabatugan kapag maglimos sa pulubi
Higit pa sa tigas ng bato kung siya’y manindigan
Gulungan man ng pison mananatili ang tinuran!
Tropa ni ka Ezzard, hinarap ang kalaban
At ipinahayag - ang tunay na paninindigan!
Ang naglalaro ngayon sa’king makulit na isipan
Ay ‘sang tanong: Nasaan na kaya ngayon si Kuya Sam?
Ang hindi niya pagsagot sa magiting na kalaban
Siya ay suko na’t katunggali’y pakikisamahan!
O hindi kaya – siya ngayon ay nagpapakondisyon
Sa muling pagharap ay higit na malakas kaysa no’n
Dala’y pamatong ng paniniwala na ang maglimos
Sa pulubi ay kalugod-lugod sa mata ng Diyos!
Aking na rin gaganyakin ang iba nating katoto
Sa multiply.com tayo'y makiisa't maglaro
Huwag mag-atubili, sapantaha’y bigyang laya
Yakapin n’yo ang higit na matimbang sa inyong puso:
Maglimos o Hindi sa pulubing tulad nati’y tao?
Tama ang aking kutob na si Kuya Sam ay babalik
Buong tapang na humarap, bitbit niya ay kalasag
Pangharang sa kalaban, sing-tigas ng asirong bakal
Kayanin kaya ng kaniyang kabalagtas ang lakas?
Nitong mamang ubod bait sa pulubi ay may awa
Kinahiligan ang maglimos sa isang taong dukha!
Sa huli ITO ANG HATOL KO:
Bagama’t nahirapan ako na timbangin ang lahat
Dumating ang puntong ang hatol ko’y ilahad
Nang walang kinilingan kungdi ibinase sa bigat
Sa aking timbangan sila’y nagu-umapaw sa galak…
Wala akong itulak-kabigin sa pangangat’wiran
Ng magkatunggaling pareho mahusay sa tulaan
S’yempre normal lang na isa sa kanila ay talunan
At uuwi na ang mukha ay puno ng kalungkutan!
Subali’t bago ko ipagsigawan sa buong madla
Ang naging disisyon kong pumili kung sino ang tama
Nagsiguro ako’t sinipi ang lahat na basihan
Mga puntos na nagbigay kula’t buhay sa tarikan…
Kap’wa sila’y namayagpag sa gitna ng entablado
Ang mga mambabasa't nagmamasid ay natulero
Kanino papanig – kay ka EZZARD, hilig ay MAGLIMOS?
O sa kat’wiran ni TATA, ang maglimos ay ‘DI DAPAT?
Ang magkatunggali ay hayagang gumawa ng mapa
Ginalugad mga lansangan sa buong Metro Manila
Kahit ang Toreng Babel at diksyonaryo’y binulaklat
Para sa ebidensiya sa kalaban ay panggulat…
Sa kan’lang walang patumanggang sagutan ng talino
Nalantad ang maraming mukha ng isang dukhang tao
Mga pulubing nagkukunwari, may magagarang bihis
Biktima ng digmaan at gulo at mga taong switik!
Sa kanilang pukpukan lumabas ang tanging liwanag
Kanilang pinahalagahan at kap’wa ay niyakap
Magka-iba man ang kan’lang paraan ng paliwanag
Pareho nagkasundo sa ‘sang adhikaing “PAGTULONG”…
Kaya ang naging hatol ko ay umuwi sila na masaya
Dahil sa kanilang ulo ay may nakapatong na korona!